Tatag Ng Wikang Filipino Lakas Ng Pagka Pilipino Tagalog Essay

Buwan ng Wika sa Capitol University

by

 JUNREL R. PEREWPEREW

CHERRY LIBRADO

            “Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit sa hayop at malansang isda; Kaya ating pagyamaning kusa, gaya nang inang sa atin ay nagpala,” Ito ang tanyag na katagang nagmula sa ating pambansang bayani na si Gat. Jose P. Rizal na nagbigay kahalagahan sa wika sa buhay ng isang tao.

            Ang wika ay sinasabing kaluluwa na nagbibigay buhay sa isang bansa. Ito ang nagsisilbing tulay na nagdurugtong sa mga komunidad na naninirahan sa isang bansa. Sa pamamagitan ng wika, nagkakaunawaan at nagkakaisa ang bawat tao. Higit sa lahat, nagsisilbi ito bilang ating pagkakakilanlan. Dahil dito ay nakikita ang iba’t ibang impluwensya sa bansa na siyang nakapagpapabago at humuhubog sa pagkatao ng mga mamamayan. Samakatuwid, ang wika ay batayan ng natatanging kultura ng isang bansa.

            Buwan ng Agosto, buwan ng pagdiriwang ng Wikang Filipino. Sa taong ito, ang pagdiriwang ay may paksang-diwa na : “Tatag ng Wikang Filipino, Lakas ng Pagka-Pilipino”. Marahil ito ay naiintindihan ng karamihan sa atin sa literal nitong kahulugan. Datapwat, hindi ito magiging produktibo kung hindi aalamin at pag-iibayuhin ang pagkilala at pag-alala sa  Wikang Filipino.

            Nagkaroon ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika sa Pamantasan ng Capitol sa pangunguna ng Departamento ng Filipino, Kolehiyo ng mga Sining at Agham. Nagkaroon ng iba’t ibang paligsahan kagaya ng sayawit, harana, pagsulat ng sanaysay, talumpating walang paghahanda, pagguhit at tagisan ng talino. Ang mga gawaing ito ay hindi lamang naglalayong manghimok sa mga mag-aaral na dumalo kundi nagsilbi itong pagkakataon upang sariwain sa puso’t isipan ng mga mag-aaral ang kasaysayan , kultura, tradisyon ng mga Pilipino.

            Ang katotohanan, ang mga kabataan sa kasalukuyan ay mas alam ang mga kaganapan sa ibang bansa kaysa sa sariling bayan. Marahil, isang katotohanang pagkakaroon ng mga Pilipino ng “ Identity Crisis” . Hindi na nila alam at hindi narin tinangkilik ang sariling tatak pinoy. Mahirap , sapagkat kung mismong ang henerasyon ngayon ay hindi na batid ang sariling pagkakakilanlan, ano pa kaya ang susunod?

            Sa kabuuan, naging matagumpay ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika dahil talagang nakilahok ang mga mag-aaral sa pagsali sa ibat ibang mga patimpalak. Ang iba’t ibang Kolehiyo na sumali ay ang Kolehiyo ng Nursing, Midwifery, Criminology, Education, Computer Studies, Maritime Education, Business Administration at  Kolehiyo ng mga Sining at Agham. Kitang –kita ang galak sa mukha ng mga manonood dahil sa kasiyahang dulot ng mga nagsipaghandog sa entablado.

             Sa kabuuan, ang hinirang na pangkalahatang kampeon ay ang Kolehiyo ng Edukasyon. Napanalunan nila ang paligsahan sa sayawit, talumpating walang paghahanda, harana, pagguhit at tagisan ng talino. Isa itong malaking karangalan sa Kolehiyo.

             Ang pagtatapos ng Buwan ng Wika ay may nais na ipabatid sa lahat ng kabataan. Dapat nilang pakatandaan na ang pagmamahal sa ating inang wika ay hindi nangangahulugan ng pagtakwil sa salitang banyaga o pagpigil na matuto ng ibang wika. Huwag lang nating itakwil at kalimutan ang ating inang wika dahil dito tayo nagmula at bahagi na ito ng ating kasaysayan.

MABUHAY ANG WIKANG FILIPINO!

Please, wait while we are validating your browser

0 Replies to “Tatag Ng Wikang Filipino Lakas Ng Pagka Pilipino Tagalog Essay”

Lascia un Commento

L'indirizzo email non verrà pubblicato. I campi obbligatori sono contrassegnati *